POP BLOG
Buhat pa noon, naging kahiligan ko na ang panonood ng mga palabas na may malaking kinalaman ang impluwensiya sa industriya ng tagisan ng usong pormahan o fashion at tapatan ng angking alindog at ganda. Sa katunayan, sa labis-labis kong pagtutok sa mga palabas hinggil sa mga ito, naging paborito at pinakatatangi ko na palabas ang Asia’s Next Top Model. Ito ay isang reality television show na nakabase sa American Franchise na America’s Next Top Model. Ang palabas na ito, ay isang kompetisyon na kung saan ang sinumang may ibig o nais na sumubok at sumabak o hindi kaya ay hinahangad na mapabilang sa mga de-kalidad, piling-pili, at mga natatanging modelo kinakailangang malampasan ang mga pagsubok na nakahain, kabilang na rito
ang pagsusukat ng pambihirang panlasa sa larangan ng fashion at may angking alindog na panlaban. Sa paglalakbay patungo sa tagumpay at pagkamit ng titulong “Asia’s Next Top Model,” ay mahirap, sapagkat ang kalahok at modelong magwawagi ay gagantimpalaan at magkakaroon ng malawak na impluwensiya, pagkakataon, at benepisyo upang mas maging dalubhasa at bihasa sa karera ng pagmomodelo maging sa industriyang kinabibilangan.
Sa aking pagsubaybay, hindi kailanman binigo ang aking mga mata, buhat noon hanggang ngayon ako’y humahanga at namamangha sa tuwing binabaybay ng mga kalahok ang entablado, sa tuwing binubuhos ng mga kalahok ang kanilang enerhiya’t lakas upang masindak ang bawat manunuod, at sa tuwing sila’y lalabas mula sa likuran tila ba’y hindi kinakabahan. Sa ganyang estilo at taktika kung paano ang bawat sa kanila ay hinubog, hinugis at binigyang anyo bilang mga makabagong modelo. Ako’y tunay na manghang-mangha.
Labis-labis akong nagagalak sa mga alindog ng bawat modelo sa tuwing sila ay binibihisan ng mga magagara at mamahaling kasuotan na alam kong yari sa mga magugol na materyales at ang mga ina-apply sa kani-kanilang mga makikinis na pagmumukha ang mas lalong napagtingkad sa kanilang mga anggulo. Tila ba’y mga diyosa. Sa kadahilanang ito, mas tumataas ang antas at lebel ng aking pamantayan sa anyo at pagmumukha. Kung ihahalintulad sa kalagayan ng lipunan noon, hindi pa gaanong kalawak ang impluwensiya at kalakasan sa larangan ng fashion. Ngunit sa pamamagitan ng palabas na ito, makikita ang itinaas at iniangat ng pamantayan ng ganda. Makikita ang malaking porsyon ng kaibahan ng paraan ng pag-iisip ng mga tao noon sa industriya ng rampahan at pagmomodelo. Dagdag pa rito, ang pamantayan sa pagpili ng mga modelo ay sa sa kahingiang nakaangkla sa pisikal na pangangatawan. Kasabay nito, ang pagiging matangkad, payat, makinis, at maganda. Sa labis na pagtangkilik at pagsubaybay sa palabas, tunay nga na nagbago at naimpluwensiyahan ang pag-iisip ng mga nanonood. Sa paglalaan ng oras at pagbababad sa telebisyon, sumagi rin sa isip ko dati na ang mga pamantayang ay ang mga pamantayang katanggap-tanggap sa ating lipunan, ang naiiba ay maituturing hindi kabilang sa lipunan.
Sa ngayon, nakakatuwang isipin at balikan ang mga mayayamang karanasan namin noon. Lubhang napakalaki na nga nang binago ng mundo, kung noon ang industriya ng fashion ay mahigpit sa pagpili, ngayon ang industriya ng fashion ay mas nagiging inclusive sa pagkuha at pagpili ng mga modelong magwawagayway at ipagmamalaki ang mga orihinal na gawang kasuotan. Dahil sa pagbabagong natamo, mas maraming tao ang gumaan ang pakiramdam lalo pa’t batid nila na sila ay katanggap-tanggap ano man ang pagkakilala nila sa kanilang mga sarili. Kasabay ng pagbabago, nagsilipana na ang mga plus-size na mga modelo at bumuo ang mga miyembro at kasapi ng LGBTQ+ ng isang makabuluhang komunidad. Lahat ng ito ay katanggap-tangap sa mata ng lipunan.
LINKS

sa pahinang ito, matatagpuan ang mga link patungo sa mga artikulo at pag-aaral tungkol sa inclusivity sa industriya ng pagmomodelo