NAIINTINDIHAN MO BA AKO? —

Galaw,Sensyas at Ekespresyon ang gamit na Komunikasyon

Sa kasalukuyan, sa proseso ng komunikasyon at pag-unawa sa isa't isa ng mga tao, hindi ang huling lugar ay ibinibigay sa tinatawag na "di-berbal na komunikasyon" - ang wika ng mga kilos at galaw ng katawan.

Mga Paraan ng Paggamit ng mga Senyas na Di-Berbal

Ang mga senyas na di-berbal ay kapupunan ng komunikasyong berbal. Kalimitan, inuulit ng mga kumpas o ng mga aksiyon ang mga ideyang ipinahahayag sa pamamagitan ng wika. Halimbawa maaari nating sabayan ng kumpas na naglalarawan ang pangungusap na, “Ganito nang kataas ang aking bunsong kapatid.” O kaya naman ay maaaring sabayan ng ngiti ang pangungusap na, “Nasisiyahan ako sa nakuha kong marka sa pagsusulit.” Kung kumplementaryo ang gamit ng mga senyas na di-berbal at ng wika, nagsisilbing patibay ang una sa isinasaad ng wika. Ang mga senyas na di-berbal ay maaaring gamitin sa halip na wika. Sa ating kultura, ang pagtango ng ulo ay ginagamit na panghalili sa salitang “oo”, ang pag-iling ng ulo ay ginagamit na panghalili sa salitang “hindi”. Matapos ang isang laro ng basketball, halimbawa, hindi na kailangang gumamit ng wika ang mga manlalaro upang ipahayag kung nanalo sila o natalo. Naipapahiwatig ang kanilang kasiyahan sa pagkapanalo o kaya nama'y kalungkutan sa pagkatalo sa pamamagitan ng galaw ng kanilang katawan. Maaaring pabulaanan ng mga senyas na di-berbal ang isinasad ng wika. Alam na nating higit na ginagamit ng tao ang kanyang paningin kaysa pandinig. Sa mga senyas na di-berbal at ng wika, higit na pinaniniwalaan ng tagapakinig ang ipinahihiwatig ng una. Halimbawa, kung ang kasabay ng pangungusap na “Masaya naman ako” ay malamlam na mga mata at pilit na ngiti, dalwang mensaheng magkasalungat ang ikinukumunika. Nagiging suliranin ng tagapakinig kung alin sa dalawang mensahe ang dapat bigyan ng reaksiyon. Upang ayusin ang daloy ng komunikasyon. Halimbawa nito ay ang paghipo sa braso upang itulak ang isang kalahok sa talakayan na magsalita. Ayon sa pananaliksik ni Patricio, nakatutulong ang ganitong senyas sa daloy ng talakayan.

MGA URI NG KOMUNIKASYONG DI BERBAL —

Mayroong iba’t ibang uri ng Di berbal na Komunikasyon nagpapakita ng iba’t ibang mensahe sa pamamagitan lamang ng galaw o kilos.

1. Komunikasyon sa pamamagitan ng paghipo – Ito ay may tanging kahalagahan sa atin sapagkat ito ang unag paraan ng komunikasyong naranasan natin bilang sanggol. Ang pagkalong, pagyapos, o pagtapik sa atin ay nakatutulong sa pagpapatibay ng tiwala sa sarili. Habang tayo ay lumalaki, natututuhan nating gamitin ang paghipo upang ipahayag ang ating mga damdamin.

2. Komunikasyon sa pamamagitan ng espasyo – Ayon kay Edward Hall, ang uri ng ugnayang namamagitan sa mga tao ay maaaring ipahiwatig sa pamamagitan ng apat na uri ng distansiya: a) sa distansyang pampubliko, ang mga kalahok ay magkakalayo ng mga labindalawang talampakan o higit pa. Ang ugnayan ay pormal tulad ng namamagitan sa isang komunikasyong pampubliko; b) sa distansyang sosyal, ang mga kalahok ay magkakalyo ng mga apat hanggang pitong talampakan. Ito ay angkop sa mga talakayan ng mga mangangalakal at kombersasyon sa mga pagtitipon. Ang layong ito hanggang labindalawang talampakan naman ay angkop para sa mga pulong. Ang mga taongnasa loob ng silid na pinagdarausan ng pulong ngunit wala sa loob ng distansiyang ito ay hindi dapat maghinanakit kung hindi sila kabilang sa interaksiyon; c) sa distansyang personal, ang mga kalahok ay magkakalayo ng isa't kalahati hanggang apat na talampakan. Ang distansiyang ito ay para sa magkakaibigan o higit pang malapi na pakikipag-ugnayan; d) sa distansyang pangtapatan ng loob ang mga kalahok ay magkakalayo ng hindi hihigit sa labindalawang dali. Ang paksang tinatalakay ng mga kalahok ay kalimitang lihim. Ang tinig ay mahina at higit ang gamit ng mga senyas na di-berbal.

3. Komunikasyon sa pamamagitan ng oras – Karaniwan nang may iniuugnay tayong mensahe sa paraan ng paggamit ng oras. Pamilyar tayo sa tinatawag na “Filipino Time.” Ang mga Pilipino ay karaniwang sadyang nagpapahuli sa mga pagtitipon upang hindi masabing sabik sa pagdalo. Kaya't kapag nagkataong dumating sa takdang oras, hindi agad tumutuloy sa pagdarausang ng pagtitipon. Nagpapabalik-balik muna sa kalye upang magpalipas ng ilang sandali. Ang mga Kanluranin naman, tulad ng mga Amerikano, ay sadyang maagap at nasa oras. Marami pang halimbawa ang maibibigay natin: Ano ang mensaheng iniuugnay natin sa pagtunog ng telepono sa hatinggabi? Ano ang mensaheng iniuugnay natin sa matagal na pagsagot sa ating liham ng isang kaibigan? Ano ang mensaheng iniuugnay natin sa paanyayang ipinadala sa atin sa araw mismo ng pagtititpon?

4. Komunikasyon sa pamamagitan ng katahimikan – Ang katahimikan ay may ikinukumunika rin. Sa pamamagitan ng hindi pagkibo ay maaaring ipahiwatig ang ating pagdaramdam, pagkagalit, o ang kawalan ng hangaring makipag-uganayan.

DAGDAG KAALAMAN

Para sa dagdag kaalaman panoorin ang Youtube Channel ni Ma’am Urika 🧏🏻‍♀️

Huwag kakalimutang mag like at Mag Subscribe #DiBerbal #Komunikasyon #Filipino101

URI NG DI BERBAL NA KOMUNIKASYON

Mga Sanggunian:

Agravante, Josefina A. Komunikasyong Pasalita (Unang Edisyon). UP Press, 1990, pp. 76-79.
Hall, Edward. The Silent Language. New York: Fawcett, 1959.
Mehrabian, Albert, “Communication Without Words,” Psychology Today (September, 1968).
Patricio, Grace, “Reaction to Touch as Influenced by sex, Status and Body Contact Experience,” hindi nalathalang MA tesis, CSSP, UP, Abril, 1987.
Reusch, J. at J. Kees. Nonverbal Communication. Berkaley: University of California Press, 1956.

OH HEY, FOR BEST VIEWING, YOU'LL NEED TO TURN YOUR PHONE